MANILA, Philippines - Handa na uli ang tinaguriang “Little Pacquiao” na ibalik ang respetong dati niyang hawak sa mundo ng propesyonal na boxing.
Ang boksingerong binansagan ng ganitong taguri ay si Florante Condes na magbabalik uli ng ring upang maipagpatuloy ang hangaring mabigyan ng karangalan ang bansa.
Si Condes ang dating hari ng IBF minimumweight division nang talunin si Muhammad Rachman noong Hulyo 7, 2007. Pero panandalian lamang siya nangibabaw dahil nang idepensa ang titulo kay Raul Garcia ng Mexico ay natalo siya sa split decision,
Hindi na nagkaroon ng kinang ang pangalan dala ng mga problema sa manager nang tangkain niyang lumipat ng ibang kampo na hindi sinang-ayunan ng dating humahawak.
Kasama siya sa hanay ng mga Pinoy boxer na lalaban sa Philippies versus the World sa Sabado sa Waterfront Hotel, Cebu at makakalaban niya ay ang Indonesian na si Sofyan Effendi.
May 23 panalo sa 29 laban kasama ang 20 KO si Condes at nais niyang makuha ang panalo di lamang para matabunan ang unanimous decision na kabiguan sa kamay ni Nkosinathi Joy ng South Africa na kinalaban para sa IBF minimumweight title eliminator noong Hunyo 26, 2009, kundi para maianunsyo rin ang kanyang pagbabalik.
Ang iba pang Pinoy na sasagupa sa laban ay sina Rey “Boom Boom” Bautista at Jimrex Jaca laban sa mga Mexicanong sina Alejandro “Zorrito” Barrera at Pipino Cuevas Jr.
Si Barrera na mayroong ring record na 20 panalo sa 24 laban ay pinsan ng batikang boksingero na si Marco Antonio Barrera habang si Cuevas na may 14 panalo sa 19 laban ay anak ng dating WBA welterweight champion Cuevas Sr.
Mahalaga rin ang labang ito para kay Bautista may 28 panalo sa 30 laban kasama ang 21KO dahil iniuumang siya na iharap kay Hector Julio Avila ng Dominican Republic sa Dubai sa Oktubre 29 para sa bakanteng IBF inter-continental featherweight title,
Si Milan Melindo ay haharap naman kay Jeon Jin-man ng Korea para makumpleto ang fight card.