'Pacquiao mahihirapan kay Margarito' - Brooks
MANILA, Philippines - Isang boksingero na naka-spar na ang mga tinitingalang boksingero sa pangunguna ni Manny Pacquiao ang naghayag ng kanyang paniniwalang mapapahirapan ang 7-division world champion sa pagharap nito kay Antonio Margarito.
Si Bryan Brooks na nakasukatan na rin sa pagsasanay si Margarito bukod pa kina Floyd Mayweather Jr. at Sugar Shane Mosley ay kinategorya rin si Pacquiao bilang pinakamahina kung sumuntok kung ikukumpara kina Mosley at Margarito.
“Shane is the hardest hitter then Margarito and then Pacquiao,” wika ni Brooks nang nakapanayam ni Elie Seckbach ng Boxing Fanhouse.
“When I sparred with Pacquiao, he used 14 inch gloves. Anybody who uses that is fast while is used 16,” wika pa ni Brooks.
Kung matuloy ang laban na handog ng Top Rank para kina Pacquiao at Margarito, hindi dapat umano magkumpiyansa ang pambansang kamao dahil matinding kalaban ang Mexican-American boxer.
“It’s a toss up,” pahayag pa nito. “They are like two different sizes so, wow, that will be a hell of a fight for Pacquiao.”
Nasabi na ni trainer Freddie Roach na hindi sila nababahala kay Margarito at ang isa lamang nilang nakikitang bentahe ng 32-anyos na nagbabalik sa boxing matapos masuspindi ng isang taon ay ang kanyang heigh advantage.
Si Margarito ay may taas na 5’11” habang nasa 5’6 ½ lamang si Pacquiao. Ngunit ang bagay na ito ay maisasantabi ni Pacquiao gamit ang kanyang bilis at lakas pagtitiyak ni Roach.
Pero hindi ganito ang nakikita ni Brooks.
“He will have his work cut out for him,” dagdag pa ng tubong Long Beach, California na dating aktibo ba pagbo-boksing sa light middleweight pero nagretiro noong 2005 nang lasapin ang ikaanim na sunod na kabiguan sa kanyang professional career.
Ang pagkuha kay Margarito bilang katunggali ni Pacquiao ay nangyari matapos hindi kagatin ni Floyd Mayweather Jr. ang inaalok na mega fight sa Nobyembre 14.
- Latest
- Trending