SINGAPORE--Ginitla ng Philippine three-on-three basketball team ang Central African Federation, 22-13, para matiyak ang pag-upo sa 12th place sa 2010 Youth Olympic Games dito sa Scape Youth Space courts.
Nagtala si Jeron Teng, anak ni dating PBA forward Alvin Teng, ng 9 points at 9 rebounds para pamunuan ang Nationals, habang nagdagdag naman si Cris Michael Tolomia ng 7 points at 5 boards.
Ibinandera ng CAF sina 6-foot-8 Jean Mbakoutou, 6’3 Neil Londuomon, 6’2 Rodrigue Kabylo-Bereke at 5’11 Anthony Gouzhy.
Binigo ng CAF ang mas malalaking Israeli at muntik ng gulatin ang USA sa group stages.
Makakatapat ng RP Team ang Asian powerhouse Iran, tinalo ang New Zealand, 29-17, sa consolation round.
Ang mananalo sa pagitan ng RP at Iran ang magkakaroon pa ng tsansa para sa ninth place.
Nauna nang yumukod ang Nationals sa mga bigating US Virgin Islands, Spain at Croatia bago talunin ang South Africa sa pagwawakas ng first round.