Lady Pirates binawian ang Eagles
MANILA, Philippines - Sa kanilang muling paghaharap, kinailangang bumangon ng Lyceum mula sa isang masamang simula upang maiwasan na maisahan pa sila uli ng Ateneo matapos nilang maitakas ang isang five-set win sa pagpapatuloy ng quarterfinals ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Mula sa pagkakalugmok sa unang dalawang sets, bumulusok ang Lady Pirates sa huling tatlong sets ng bakbakan upang maitala ang kapana-panabik na 22-25, 16-25, 25-11, 28-26 at 15-9 na tagumpay kontra sa Lady Eagles.
Nagrehistro si guest player Mary Jean Balse ng season-high 37 points na kinabibilangan ng 32 spikes at 5 blocks upang pagbidahan ang come-from-behind na tagumpay ng Muralla-based spikers. Sa kanyang impresibong laro, napantayan ni Balse ang 37-point output na itinala ni Angela Benting noong Season 7.
Bunga ng tagumpay, tumabla ang Lyceum sa Ateneo sa ikatlo at ikaapat na puwesto na pawang may 5-3 record sa season-ending conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision at itinataguyod ng Shakey’s Pizza.
;- Latest
- Trending