MANILA, Philippines - Tanging sina Marc Caguioa, Jayjay Helterbrand, JC Intal at Rico Villanueva pa lamang ang tiyak na bibigyan ng contract extension ng Barangay Ginebra bago ang darating na 36th season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ang inihayag kahapon ni Ginebra governor Robert Non sa panayam ni Snow Badua sa TeleDyaryo Sports.
“Lahat talaga ng negotiations tungkol sa kontrata will start after the (2010 PBA Rookie) Draft. The players knew about it, nasabihan naman sila eh,” sabi ni Non. “Kung sa update sa Ginebra, wala pa kasi after the draft pa.”
Kabilang sa mga hindi pa inaalok ng contract extension ay sina Willie Miller, Eric Menk, Ronald Tubid, Sunday Salvacion, Yancy De Ocampo, Willie Wilson, Celino Cruz, Paolo Bugia at Homer Se.
Ngunit sinabi ni Non na posible pa ring kunin nila ang naturang mga players.
Para sa 2010 PBA Rookie Draft na magaganap sa Agsoto 29 sa Market! Market! sa Taguig, humahawak ang Ginebra ni coach Jong Uichico ng No. 7 at 8 overall picks.
Ang Air21 ni coach Yeng Guiao ang pipili ng No. 1 at 2 overall picks kasunod ang Meralco, bumili sa prangkisa ng Sta. Lucia, ni Ryan Gregorio.
Samantala, 66 aplikante na ang nakapasa para sa pitong araw na PBA Rookie Camp kung saan 11 rito ay mga Fil-Foreign players sa pangunguna ni Josh Vanlandingham ng Everett Community College na naglaro sa Hapee Toothpaste sa Philippine Basketball League.
Ang Day One ng Rookie Camp ay nakatakda sa Club 650 Gym sa Libis, Quezon City, habang ang mini-championship game ay idaraos sa Agosto 26 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bukod kay Vanlandingham, ang iba pang aagaw ng pansin ay sina dating UAAP Most Valuable Player (MVP) Rabeh Al-Hussaini, NCAA MVP John Wilson, Nonoy Baclao, Ford Arao, Jai Reyes, slam dunk king Elmer Espiritu, Jimbo Aquino, Marvin Hayes, Khazim Mirza, Rey Guevarra at RJ Jazul.
Ang mga hindi sasali sa Rookie Camp ay aalisin sa listahan para sa Annual Rookie Draft.