MANILA, Philippines - Maipagpatuloy ang magandang simula ang nais na gawin ng Far Eastern University sa pagbubukas ng 73rd UAAP men’s basketball second round elimination sa Araneta Coliseum.
Katipan ng Tamaraws ang Adamson na itinakda dakong alas-4 at hanap ng tropa ni coach Glen Capacio na mapalawig sa walong sunod ang kanilang karta sa liga.
“Masaya ako dahil napantayan namin ang 7-0 record na nagawa noong 2005. Pero marami pa kaming dadaanan at hindi ito madali. Kailangang doblehin o triplehin namin ang aming ipakikita dahil tiyak na mas pinaghahandaan na kami ngayon,” ani Capacio.
Umiskor ng 74-65 panalo ang FEU sa Adamson pero tiyak na gagawa ng mga adjustments si coach Leo Austria para mapigil ang Tamaraws at mapaigting din ang kanilang kampanya sa mahalagang yugto na ito.
Ang makukuhang panalo ay pansamantalang magbibigay ng solo pangalawang puwesto sa Falcons na ngayon ay kasalo ang nagdedepensang kampeon na Ateneo sa 5-2 karta.
Bago ito ay magtutuos muna ang UST at UE sa ganap na alas-2 ng hapon at parehong nangangailangan ng panalo ang dalawang ito lalo nga’t nasa huling hati sila sa walong koponang liga.
May tatlong panalo lamang ang nailista ng Tigers sa unang pitong laro pero papasok sila sa laban buhat sa magkasunod na kabiguan dahilan upang makasalo nila ang NU sa ikalima at anim na puwesto.
Sasandal si coach Alfredo Jarencio sa husay nina Clark Bautista, Jeric Teng at Jeric Fortuna bukod pa sa puwersa sa ilalim mula kay Chris Camus at Carmelo Afuang upang maduplika ang 80-67 panalo na kinuha sa Warriors sa unang ikutan.
Kailangan lang ng FEU na maduplika ang sweep sa first round para makapasok na ng tuluyan sa Finals.