Asi pinayagan din ng PBA na lumaro sa Stankovic Cup
MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagtulong ni Asi Taulava sa kampanya ng Smart Gilas team sa FIBA-Asia Stankovic Cup na magsisimula sa Sabado sa Beirut, Lebanon.
Inaprubahan kahapon ng Philippine Basketball Association (PBA) Board ang pagsama ng 38-anyos na Fil-Tongan sa Smart Gilas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa nasabing 10-nation tournament.
“The PBA board approved the SBP’s request on Asi,” sabi ni PBA commissioner Sonny Barrios.
Umalis na kahapon ang Nationals patungong Beirut, habang nakatakda namang sumunod ang 6-foot-9 na sentro ng Coca-Cola ngayong araw.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na isusuot ni Taulava ang National colors matapos noong 2002 Asian Games sa Busan, Korea, 2005 Fiba Asia Championship sa Tokushima, Japan at sa 2009 Fiba Asia Championship sa Tianjin, China.
Hindi naman naitago ni Serbian coach Rajko Toroman ng Smart Gilas ang kasiyahan sa pagpayag ng PBA Board na isama sa koponan si Taulava.
“I would like to thank Commissioner Barrios and the PBA board for helping the team and the country,” wika ni Toroman, iginiya ang Iran sa kampeonato ng 2007 FIBA-Asia patungo sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China.
Wala pang nakukuhang Philippine passport si 6’9 naturalization candidate Marcus Douthit at Fil-Am guard Chris Lutz, samantalang may tinatapos pang kurso sa kanilang paaralan sina 6’6 Rabeh Al-Hussaini at 7-footer Greg Slaughter.
- Latest
- Trending