MANILA, Philippines - Habang nakatutok ang Stags sa kanilang pag-ang-kin sa liderato, ang kanilang ikalawang sunod na panalo naman ang asam ng Generals.
Nakatakdang harapin ng nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos ang College of St. Benilde ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Emilio Aguinaldo College at Mapua Institute of Technology sa fitrst round ng 86th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.
Kasalukuyang magkasalo sa unahan ang Stags at ang San Beda Red Lions sa magkatulad nilang 5-0 rekord kasunod ang Jose Rizal (4-2), Cardinals (3-2), Arellano Chiefs (2-3), Blazers (1-2), Generals (1-3), Letran (1-4) at Perpetual Altas (0-6).
Winakasan ng San Sebastian ang four-game winning streak ng Jose Rizal matapos kunin ang malaking 72-59 panalo noong Biyernes.
Sa naturang tagumpay, humakot si 6-foot-2 power forward Calvin Abueva ng 16 points, 15 rebounds, 4 steals at 2 assists para sa kanilang pang limang sunod na ratsada.
“He’s really like that, always playing with a lot of energy and we hope to feed again on his energy,” sabi ni coach Ato Agustin kay Abueva, may mga averages na 16.2 points at 11.4 rebounds.
Dalawang dikit na kamalasan naman ang nalasap ng St. Benilde ni Richard Del Rosario, ang huli ay nang mabigo sa EAC, 71-67 noong nakaraang Miyerkules.
Inaasahang gagamitin ng Generals ni mentor Nomar Isla ang naturang panalo sa kanilang pakikipagharap sa Cardinals ni Chito Victolero.