Baycats bubuksan ang kampanya vs Hawks sa 10th NAASCU
MANILA, Philippines - Anim na seniors at isang laro sa juniors ang magbubukas sa 10th season ng National Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) basketball sa Biyernes na sabay na gagawin sa Rizal Coliseum sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang nagdedepensang San Sebastian College-Cavite ay magbubukas sa hangaring ikatlong sunod na titulo laban sa multi-titled University of Manila sa ganap na alas-12 ng tanghali sa Rizal Coliseum.
Ang Baycats at Hawks ang nagtuos sa titulo noong nakarang season at nangibabaw ang koponan ni coach Edgar Macaraya sa tatlong mahigpitang laro.
Ang UMak at Pamantansan ng Lungsod Pasay ang sunod na magtatagisan ganap na ala-1:30 bago sundan ng Fatima at Informatics dakong alas-3:00.
Ang AMA at New Era ang unang magtatagisan sa Ninoy Aquino Stadium ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng pagtutuos ng CEU at St. Clare at STI vs Lyceum-Subic.
Ang natatanging juniors game ay sa pagitan ng Fatima at SSC-Cavite dakong alas-4:30 ng hapon sa Rizal Coliseum.
“Malakas pa rin ang SSC-Cavite at tiyak na all-out sila para makuha ang ikatlong sunod na titulo. Pero hindi naman basta-basta papayag ang ibang kalahok kaya naniniwala akong magiging mahigpitan at kapana-panabik ang laro sa taong ito,” wika ni Dr. Ernesto Jay Adalem ng host school St. Clare (Caloocan) na pangulo ng NAASCU.
Si Boy Cahanding ang siyang itinalaga naman bilang commissioner at si Benjie Diswe bilang tournament director.
Maliban sa UM, ang iba pang matinding katunggali ng Baycats ay ang AMACU at STI na mga dating kampeon na rin ng liga.
- Latest
- Trending