MANILA, Philippines - Masidhi pa rin ang hangarin ni Juan Manuel Marquez na makalaban sa ikatlong pagkakataon si Filipino pride Manny Pacquiao.
May kanya-kanyang labang pinaghahandaan ang dalawang pinagpipitaganang boksingero sa kasalukuyan pero hindi pa rin naiaalis sa isipan ni Marquez ang kagustuhan na masukat pa ang husay ng Pambansang kamao.
“Manny Pacquiao. That’s my desire. I want it so bad,” wika ni Marquez nang nakapanayam ng Miami Herald.
Si Marquez na sasagupain sa ikalawang pagkakataon si Juan Diaz sa Sabado sa Las Vegas, ay natalo kay Pacquiao nang huling nagkasagupa noong Marso 15, 2008 sa pamamagitan ng split decision sa Las Vegas.
Hindi matanggap ng 36-anyos na Mexican boxer ang desisyong ito at ipinaggigiitan na siya ang tunay na nagwagi sa laban.
Unang pagtutuos ng dalawa ay nangyari noon pang Mayo 8, 2004 na nauwi naman sa tabla.
Nagpunta pa si Marquez sa bansa ilang taon na ang nakalipas upang iparating ang hamon na hindi naman pinansin ni Pacquiao at patuloy na umakyat ng timbang.
Si Pacquiao sa ngayon ang kauna-unahang boksingero na may pitong titulo at pupuntiryahin ang ikawalong title sa pagbangga kay Antonio Margarito para sa bakanteng WBC 154-pound division.
“I want that third fight with him before my career ends,” banggit pa ni Marquez na mayroong 50 panalo sa 56 laban kasama ang 37 KOs.
Sa ngayon ay pinagtutuunan muna ni Marquez si Diaz at paglalabanan nga nila ay ang hawak niyang WBO light weight at WBA super world lightweight titles.
Si Diaz din ang tinalo niya nang nakuha ang mga titulong nabanggit sa unang pagtutuos na nangyari noong Pebrero 28, 2009 gamit ang 9th round TKO panalo.