MANILA, Philippines - Nagmula sa isang two-week vacation, hangad ng three-peat champions San Beda College na masolo ang pangunguna sa pakikipagharap sa tigasing Letran College sa pagbabalik ng aksyon sa 86th NCAA men’s basketball tournament.
Magsasagupa ang Red Lions at ang Knights ngayong alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng Arellano Chiefs at Perpetual Altas sa alas-2 sa The Arena sa San Juan.
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang nagdedepensang San Sebastian Coillege-Recoletos at ang San Beda mula sa magkatulad nilang 3-0 rekord kasunod ang Jose Rizal University (3-1), College of St. Benilde (1-0), Mapua (2-1), Letran (1-2), Arellano University (1-3), Emilio Aguinaldo College (0-3) at University of Perpetual Help System Dalta (0-4).
“We’re expecting a tough game,” ani Red Lions head coach Frankie Lim sa kanilang upakan ng karibal na Knights ni Louie Alas na nag-walk out sa third quarter sa kanilang pre-season game ng San Beda.
Aminado si Alas na malaki ang bentahe ng koponan ni Lim, muling ipaparada sina 6-foot-7 American import Sudan Daniel, 6’5 Dave Marcelo at 6’2 Adler Dela Rosa bukod pa kina Garvo Lanete at Borgie Hermida.
Nagmula ang Red Lions sa 69-64 panalo kontra Mapua, habang umiskor naman ang Knights ng malaking 87-69 tagumpay laban sa Altas noong Hulyo 9.