MANILA, Philippines - Kasabay ng pagsisimula ng panibagong season ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities ay ang pagpapakilala ng bagong laro na bago sa ating mga Pilipino.
Mapapabilang na sa listahan ng mga sports discipline na lalaruin sa 10th season ng NAASCU ang handball, isang Olympic sport na nilalaro sa loob ng isang 40 meters (haba) by 20 meters (lapad) na court.
Ito ay nilalaro ng dalawang koponan na mayroong pitong manlalaro sa loob ng isang court. Nahahati ang laro sa dalawang half na may oras na tatlumpung minuto bawat isa.
Kinakailangang makapuntos sa goal ng kalaban para maka-iskor, ang larong ito ay maihahalintulad sa indoor soccer. Hindi katulad sa larong basketball na may limit na anim na fouls, ang handball ay walang limitasyon sa mga “faults” na maaring magawa ng isang player.
“They first played it in Thailand, then they invited us to play handball in the Philippines”, pahayag ni Dr. Ernesto Jay Adalem NAASCU president.
Bago ang handball, nauna ng isinama ng NAASCU sa listahan ng kanilang mga sports discipline ang billiards na kanila ng kinukunsiderang isang “non-gambling” sport at ang duathlon.
Bumuo ang NAASCU ng mga manlalaro, karamihan ay mula sa University of Makati ng koponan na kasalukuyang nag-eensayo ng handball upang lumahok sa paparating na Asian Games sa China sa Nobyembre.
Nakatakdang laruin ang handball sa ikalawang semestre kasabay ang ilan pang sports discipline gaya ng volleyball, swimming at track and field.