2 draw kay Pascua, tumabla sa 7th place
CHINA--Nakipagtabla si FM Haridas Pascua sa fourth round laban kina second seed Das Debashis ng India at Konstantin Kazakov ng Kazakhstan upang manatiling buhay sa boys 18-under category ng 2010 Asian Youth Invitational Chess Championship sa Beijing Convention Center dito.
Mayroon ng tatlong puntos si Pascua, na tumapos ng 15th place sa kakatapos lamang na Asian Junior chessfest sa India, isang puntos na lamang ang namamagitan sa kanila nila FM Amirreza Pour Ramezanali ng Iran at Indian Upadhaya Anwesh sa kalagitnaan ng torneo.
Tumabla na ang tubong Pangasinan sa ikapito hanggang ika-13 puwesto.
Sinimulan ng 17-year-old Pinoy woodpusher ang kanyang kampanya sa 28-player division sa pamamagitan ng panalo laban kay Sri Lankan T.S.S. Peinis sa unang round ngunit nakipagtabla lamang sa kanyang huling dalawang laban.
Si No. 14 Bobur Ohunovm ng Uzbekistan ang kanyang susunod na katunggali sa ika-anim na round.
“Haridas is still in good position right now, but he has to play a lot better in the coming rounds,” ani RP team mentor Ildefonso Datu.
Hindi naman pinalad si Christy Lamiel Bernales na tinapos ang fourth round sa isang draw kay Shetty Shristi ng India at nabigo sa fifth round laban kay Iranian WFM Mitra Hejazipour at tuluyang nalaglag sa ika-13 hanggang ika-17 na puwesto na mayroon lamang na 2.5 points.
Natalo ang tubong Nueva Ecija sa kanyang unang laban kay Gohver Joraeva ng Turkmenistan at bumawi sa second round sa pagtalo kay Mongolian Bilegjargal Bayashgalan at Munirah Mat Ramin ng Malaysia sa ikatlong round. Si Indian Shidhali Shetye ang kanyang susunod na katunggali.
Samantala, si reigning national junior champ Paulo Bersamina ay nagtagumpay laban kay Korean Jisoo bae sa ika-apat na round at tumabla sa fifth round kay Indian Shaikh Nubairshah upang umakyat sa ikawalo hanggang ika-13 puwesto sa boys 13-under.
- Latest
- Trending