NU Pep Squad walang balak tumigil
MANILA, Philippines — Walang duda na isa ang National University Pep Squad sa mga inaabangan tuwing may UAAP Cheerdance Competition.
Sa katatapos na Season 87 edisyon ng cheerdance ay muling nagpamalas ng husay ang NU Pep Squad upang matamis na maibalik ang korona sa kanilang teritoryo.
Ito ang pang-walong titulo ng NU para makasama ang University of the Philippines at University of Santo Tomas sa listahan ng may pinakamaraming korona.
Subalit walang balak tumigil ang NU Pep Squad.
Nais nitong madagdagan pa ang kaban nito kaya’t inaasahang muling maglalabas ng engrandeng palabas ang kanilang tropa sa mga susunod pang taon.
“Hindi namin ini-expect ito. Hopefully, magtuluy-tuloy ng 9, 10, 11 12 (titles) kung kaya pa namin,” ani NU Pep Squad head coach Gabby Bajacan.
Ito ang ikalawang taon ni Bajacan sa NU Pep Squad at ang kanyang unang korona kasama ang grupo bilang head coach.
Aminado si Bajacan na tumataas na ang level ng labanan sa UAAP Cheerdance.
Kaya naman masayang-masaya ito na muling nakuha ng NU Pep Squad ang korona dahil na rin sa dedikasyon ng mga miyembro nito.
“Sinabi ko sa coaches na start na natin (ang preparations) for Season 88,” ani Bajacan.
- Latest