MANILA, Philippines - Tatlong foreign-bred players at isang one-time NCAA Most Valuable Player (MVP) ang kasama sa 16 aplikante para sa darating na 2010 PBA Rookie Draft.
Sina Fil-Foreign Josh Thomas Vanlandingham, Robert Francis Simpson Jr. at Sean Paranada at dating Jose Rizal Heavy Bomber John Wilson ang ilan lamang sa mga pagpipilian para sa unang official activity ng 36th PBA season na nakatakda sa Agosto 29 sa Market! Market! Place sa Taguig City.
Ang tubong Seattle, USA na si Vanlandingham ay naglaro sa Everett CC sa USA at kumampanya sa Philippine Basketball League (PBL) para sa Hapee Toothpaste na natalo sa nagharing Harbour Center.
Nakasama ng 26-anyos na Fil-Am sa Hapee sina Gabe Norwood at Jervy Cruz ng Rain or Shine at Reed Juntilla ng Barako Coffee.
Si Simpson, sumabak sa PBL para sa Cossack Blue, ay nanggaling naman sa Eckerd College, habang naglaro si Paranada sa Chabot College.
Pinalawig pa ng PBA Commissioner’s Office ang deadline sa Hulyo 19 para sa pagsusumite ng mga Fil-Foreign ng kanilang mga dokumento upang makasali sa 2010 PBA Rookie Draft.
Inaasahan ring papansinin ang 6’2 na si Wilson, gumiya sa Jose Rizal sa Final Four ng 2009 NCAA kung saan siya napiling MVP, sa nasabing rookie draft na magtatampok rin kina Jimbo Aquino ng San Sebastian College-Recoletos, Liztian Amparado ng Philippine Christian University at RJ Jazul ng Letran College.
Ang iba pang nasa draft list ay sina Fred Rick Donato Malabago, Melchor Caysil Gile, Khazim Ali Mirza, Petrus Delmar Santos, Riego Meinardo Villa Ganalinda, Elijah Swan at Froilan Asence Saquillo Jr.