MANILA, Philippines - Matapos mabigo sa kakatapos lamang na World Pool Championships, umaasa si Pinoy cue artist Marlon “Marvelous” Manalo na makakabawi siya sa parating na World Guinness World Series 9-Ball Championship na nakatakdang magsimula sa Hulyo 28 sa Jakarta, Indonesia.
“Baka dito sa Guinness sa Jakarta ay matumbok na din natin ang titulo,” ani Manalo na nagbalik Pilipinas matapos ang kanyang kampanya sa katatapos lamang na World Pool Championship sa Doha, Qatar.
Kinapos ang pambato ni Mandaluyong mayor Benhur Abalos na si Manalo sa kapwa Pinoy na si Francisco “Django” Bustamante na nagwagi ng titulo sa kanilang quarterfinal round match-up.
Ngunit bago maka-abante tungo sa Guinness World Series, kinakailangan ng tubong-Mandaluyong na dumaan sa qualification tournament na gaganapin sa Hulyo 24 kasama sila Lee Vann Corteza, Dennis Orcollo, Antonio Lining, Roberto Gomez, Carlo Biadio, Ricky Zerna at Jundel Mazon.
Ayon naman sa organizing committee, kabilang na sila Alex Pagulayan at Antonio Gabica sa main event.
Lalahok naman sa naturang torneo ang ilan sa mga pinakamagaling na cue artist sa mundo kabilang sina Mika Immonen ng Finland, Ralf Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany, Ricky Yang ng Indonesia, Darren Appleton ng England at Shane Van Boening at Johnny Archer ng USA.