MANILA, Philippines - Sa kanilang pangako ng mas magandang performance, tutulak patungong China ang 11-man delegation ng Pilipinas lulan ng Philippine Airlines upang makilahok sa 2010 Asian Youth Chess Championships na gaganapin sa Beijing sa Hulyo 9-14.
Sa pangunguna ni dating National Junior champ Paulo Bersamina at dating world youth participant Jan Jodilyn Fronda, sasalang ang mga Pinoy woodpushers sa anim na age categories sa prestihiyosong chess tournament sa kontinente.
Si Bersamina na gumawa ng kasaysayan ng maging pinakabatang Pinoy na manalo sa national junior chessfest na ginanap sa Davao City ngayong taon ay makikilahok sa 12-year and under category.
Habang si Fronda naman na sumikat noong World Youth Chess Championships na ginanap sa Halkidiki sa Greece noong 2004 ay sasabak sa girls 16-under division.
Kasama ni Bersamina sa boys division sila FM Haridas Pascua na lalahok sa 18-under, Jan Nigel Galan na lalahok sa 16-under, Austin Jacon Literatus na kabilang sa 14-under, Haince Patrick De Leon sa 10-under at Julius Gonzales na nakahanay naman sa 8-under.
Kabilang din sa girls division sila WFM Christy Lamiel Bernales na sasabak sa 18-under, Janelle Mae Frayna sa 14-under, Shanie Mae Medoza sa 12-under at Jesca Docena sa 10-under.
Ang torneo na may nine rounds ay inorganisa ng Chinese Chess Association at Jinna Chess Club ng China sa ilalim ng Asian Chess Federation.
Ang mga magiging top three finishers sa bawat age group ay makakatanggap ng gold, silver at bronze medals.