MANILA, Philippines - Hindi pa man naikakasa ang salpukan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. para sa Nobyembre 13 ay nagtaas na ng kanilang room rates ang MGM Resorts properties sa Las Vegas, Nevada.
Kahapon, ang isang basic room sa MGM Grand Garden Arena na posibleng pagdausan ng Pacquiao-Mayweather megafight at umakyat na sa $260 mula sa dating $180.
Ang MGM Grand ay may 4,300 room capacity bukod pa ang 2,500 rooms sa kanilang signature tower kung saan naroon ang mamahaling mga suites.
“This is similar to airline rates rising and falling according to market conditions,” ani MGM Resorts Vice President of Public Affairs Gordon Absher. “Were there to be a major sporting event on any given date, people will most likely pay more for a room. In effect, we’re protecting room rates on that date. We’re protecting inventory.”
Ang isang kuwarto sa Mandalay Bay ay nagkakahalaga ng $229 sa Nobyembre 13 at $129 sa Nobyembre 14, habang ang rooms rates sa Luxor ay nagsisimula sa $160 para sa Nobyembre 13 at $105 sa Nobyembre 20.
Hindi lamang nangyayari ang pagtaas ng room rates sa mga hotel sa Las Vegas tuwing may laban ang Filipino world seven-divsion champion kundi maging sa mga concert ni Lady Gaga at ang popular annual events na kagaya ng National Finals Rodeo.
“These variables influencing room rates change day-to-day, even hour-to-hour,” dagdag pa ni Absher.
Ang room rates sa Gaylord Texan sa Grapevine, Texas kung saan ito naging host hotel sa laban ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana noong Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Dallas ay $199 para sa Nobyembre 13 at $199 para sa Nobyembre 20.
Inihayag kamakalawa ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na naipadala na niya ang fight contract sa kampo ni Mayweather.