MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagtutuos nakuha ng Treston Laguna ang istilo upang talunin ang Ascof Lagundi para sungkitin din ang kampeonato sa 3rd leg ng Tournament of the Philippines na nagtapos nitong Biyernes sa Trace College Gym.
Mahusay na pagtutulungan ng mga inaasahang manlalaro at matibay na zone defense ang siyang susi para makuha ng Stallions ang 99-88 tagumpay at mawakasan ang naunang dalawang sunod na panalo na kinuha ng Cough Buster.
Higit sa unang panalo, ang Stallions din ang lumabas bilang kauna-unahang host team na nanalo ng leg title sa sariling tahanan upang magkaroon na rin ng kabuuang 18 puntos ang Laguna nang makahablot ng 12 puntos sa yugtong ito.
Sina JR Aquino at Alain Musni ay naghatid ng tig-18 puntos na karamihan ay sa inside plays habang ang mga outside shooters na sina Ricky Ricafuente at Leomar Losentes ay nagdagdag ng 14 at 12 puntos.
Ang dalawang guards nga ay nagsanib sa limang tres sa second half upang makalayo nang tuluyan ang Stallions matapos ang dikitang first half.
Patok ang Cough Busters na makuha ang unang titulo sa ikalawang pagpasok sa leg finals pero malamya ang ipinakita ng bataan ni coach Carlo Tan lalo na ng mangabayo na sa ilalim sina Aquino at Musni.
Kinuha naman ng Mandaue Cebu ang ikatlong puwesto sa bisa ng 84-83 panalo sa Cobra Energy Drink.