Injury sa balikat ayos na, Albania kakasa sa MVP Cup

MANILA, Philippines - Handang-handa ng lu­maban uli sa ring si Annie Albania.

Mismong ang coach ng super elite team na si Roel Velasco ang nagsabing puspusan uli ang pag­sasanay ni Albania na ginagawa sa ABAP gym sa Rizal Memorial Sports Center.

“Maayos na ang kanyang shoulder injury at ka­sama na siya sa nagsa­sanay at one hundred percent na siya sa ensayo,” wika ni Velasco.

Dahil sa injury na ito ay hindi nakasali si Albania, isang SEA Games at Asian Martial Arts gold meda­list, sa isinabak na Asian Women’s Boxing Championships nitong Mayo sa Astana, Kazakhstan.

Si Albania ang natata­nging lady boxer na kasama sa limang boksingero na kasapi ng elite team na siyang sinasandalan upang maghatid ng inaasam na ginto sa malakihang torneo kasama ang 2012 Lon­don Olympics.

Ang iba pang kasapi sa koponan ay sina Charly Suarez, Rey Saludar, Victorio Saludar at Mark Anthony Barriga.

Maliban kay Barriga na nagpapagaling pa sa ope­rasyon sa appendix, ang iba pang mga manlalaro ay magpapasikat sa Manny V. Pangilinan International In­vitational Cup sa Hulyo 14 hanggang 19 sa PICC Forum.

Maliban sa Pilipinas ay kasali na ang China, Ch­inese Taipei, Thailand, Sri Lanka at Hong Kong ha­bang humahabol ang Macau at ang kompetisyon ay paglalabanan sa kalalakihan at kababaihan.

Aminado si Velasco na nakataya ang kanyang pagiging head coach ng super elite team dahil mabigat ang kalidad ng torneo.

“Lahat sila ay may lakas at ang talagang pinagtutuunan namin ang kanilang footwork at depensa,” wika pa ni Velasco.

Makakatulong ni Velasco sa paghahanda sa elite team ang mga dating pambatong boksingero ng bansa na sina Joan Tipon at Mitchelle Martinez na parehong nagretiro na sa paglalaro.

Show comments