Barriga malakas ang tsansa na mabigyan ng wild card berth sa Youth Olympic Games
MANILA, Philippines - Ilang pakikipag-usap sa pangulo ng International Amateur Boxing Association (AIBA)president Wu Ching-kuo ang nagbibigay tiwala sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa minimithing wild card berth sa Youth Olympic Games sa Singapore sa Agosto.
Si Mark Anthony Barriga ng Panabo City, Davao ang pambato ng Pilipinas sa wild card berth matapos ang magandang ipinakita sa AIBA World Youth Boxing Championships sa Baku, Ajerbaijan nitong Abril.
Minalas na natalo si Barriga kay Ryan Burnett ng Ireland sa kuwestiyonableng 6-4 desisyon sa 48-kilogram quarterfinals upang mamaalam sa torneo.
Bago ito ay nanalo muna si Barriga kina Tanes Ongjunta ng Thailand (15-5) at Nikita Fedorchenko ng Russia (3-1) upang umabante sa last 8.
“Nakausap ko na ng dalawang beses na ang pangulo ng AIBA n si Mr. Wu at siya mismo ang nagsasabing kasama sa pinag-uusapan sa posibleng bigyan ng wild card ay si Barriga dahil una ay nakapasok siya sa quarterfinals at maganda ang ipinakita niya. Hopefully ay mapasama siya,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Si Barriga sa kasalukuyan ay nagpapahinga sa kanilang tahanan sa Panabo matapos maoperahan ng appendix pero nakatakda na siyang bumalik sa pagsasanay sa Hulyo at sapat pa ang panahon para mailagay siya sa magandang kondisyon kung sakaling palarin sa wild card berth.
Ang 17-anyos na boksingero na ilang beses ding nanalo ng ginto sa Palarong Pambansa ay isa sa limang boksingero na inilagay ng ABAP sa talaan ng mga super elite boxers na sasanayin ni national coach Roel Velasco.
Maliban kay Barriga ay nasa talaan din sina Charly Suarez at ang magkapatid na sina Rey at Victorio Saludar habang si Annie Albania ang nag-iisang lady boxer na isinama.
Sa hanay ng limang boksingero na ito inaasahang magmumula ang magiging posibleng gold medalist ng bansa sa nalalapit na Asian Games sa Guangzhou China sa Nobyembre at sa 2012 London Olympics.
Ang limang ito rin ang mangunguna sa kampanya ng Pilipinas sa idaraos na 1st MVP International Friendship Cup na gagawin sa bansa mula Hulyo 13 hanggang 19.
Ang mga bansang China, Chinese Taipei, Thailand, Sri Landa at Mongolia ang mga kumpirmado nang lalahok at susukat sa boxers ng host country at humahabol ang Japan.
- Latest
- Trending