Marahil kahit na mayroon silang franchise-best at tournament-best ten-game winning streak, walang makapagbibigay ng matinding satisfaction sa Talk N Text Tropang Texters kundi ang makaganti sa Barangay Ginebra na kalaban nila mamayang 5 pm sa Batangas City Sports Complex.
Kasi, tiyak na bumbalibol pa rin sa isipan ngTropangTexters ang nalasap nilang kabiguan sa nakaraang Philippine Cup kung saan hindi nila naipagtanggol ang kampeonato.
Nakaharap nila sa best-of-five quarterfinal round ang Barangay Ginebra at napanalunan nila ang Game One (107-92) at Game Two (106-105). isang panalo na lang ang kailangan nila para makarating sa best-of-seven semifinal round. Pero hindi dumating ang panalong iyon.
Nagwagi ang Gin Kings sa Game Three (102-97) at sa first quarter ng Game Four ay nag-walkout ang Talk N Text matapos na tawagan ng flagrant foul penalty two si Ranidel de Ocampo. Bunga nun ay tumabla ang Gin Kings at pinagmulta ng higit P1million angTalk N Text.
Sa Game Five, kung saan hindi nakapaglaro si De Ocampo dahil suspindido ito, dinurog ng Gin Kings ang TropangTexters, 113-100 upang sila ang umusad sa semifinals kontra Alaska Milk.
Napakasaklap ng karanasang iyon para sa Talk N Text kaya siguradong nais nilang bawian ang Gin Kings.
Ang siste, sa opening day ng Fiesta Conference noong Marso 21 ay ipinagpatuloy ng Barangay Ginebra ang dominasyon nito sa Talk N Text sa pamamagitan ng 97-90 panalo.
Iyon ang isa sa dalawang pagkatalong sinapit ng Tropang Texters sa torneong ito. Pinataob sila ng defending champion San Miguel Beer, 112-106 noong Marso 31.Pero pagkatapos nun ay hindi na muling natalo pa ang tropa ni coach Vincent “Chot” Reyes.
Bagamat puwede silang magbunyi, hindi pa sapat ang winning streak para sa Tropang Texters. Nais pa rin nilang bawian ang Gin Kings na siyang itinuturing nilang responsable sa kanilang bangungot.
Hindi nga ba’t sinasabing karamihan na para makalimutan ang bangungot ay dapat na daanan uli ang karanasang ito at magtagumpay? Conquer your fears, ‘ika nga!
At iyon ang gustong gawin ng Tropang Texters.
Kaya ba nilang bawian ang Barangay Ginebra?
Marami ang naniniwalang kaya! kasi nga, sobrang lalim ng bench ng Tropang Texters. Pitong players ang nag-aaverage ng double figures sa scoring. Ito’y sina Mark Cardona ( 17.54 puntos), Ranidel de Ocampo (17.15), Kelly Williams (14.43), import Shawn Daniels (12.7), Jimmy Alapag ((12.15), Harvey Carey (10.69) at Ryan Reyes (10.57).
Bukod dito, si Jason Castro ay may 8.23 kada laro. At siya pa nga ang highest pointer nang gumawa siya ng 14 puntos kontra Rain Or Shine noong Miyerkules. At kasama pa si Jared Dillinger na miyembro ng huling all-pro national team.
Mahirap tapatan ng tao-tao angTropangTexters. At hindi naman nagkakanya-kanya ang mga ito. Team effort ang kanilang ipinapakita.
Mahirap talunin. Pero puwede sigurong talunin.
Hindi natin alam kung paano maaapektuhan ang morale ng Tropang Texters kapag hindi pa rin sila nakaganti sa Gin Kings mamaya.