Reyes bumabandera sa pool money list
MANILA, Philippines - Patuloy ang pamamayagpag ng mga Filipino cue artist kung kinita na sa bilyar ang pag-uusapan.
Si Efren “Bata” Reyes pa rin ang nangunnguna sa talaan pero nakapasok na rin sina Lee Van Corteza, Dennis Orcullo at Francisco Bustamante sa top 10 ng talaan ayon sa AZ Billiards.
Sa bisa ng tatlong panalo tampok ang Derby City Classic Master of the Table na naghatid ng $20,000, si Reyes ay nangunguna sa talaan sa nakubra ng $61,580.
Ang isa pang malaking panalo na ni Reyes sa taong ito ay ang Asia versus Europe Challenge Match noong Enero sa Brunei.
Si Corteza ang nasa ikaapat na puwesto sa $35,625 tampok ang dalawang dikit na tagumpay sa Hard Times Mezz Cues 10-ball at US Open 10-ball sa Los Angeles at Las Vegas.
Si Orcullo na kampeon sa World Pool Masters (9-ball) sa Las Vegas, Nevada ay nasa ika-anim na puwesto sa $31,775 habang si Bustamante ay nasa ikapito sa $30,861.
Tampok na tagumpay ni Bustamante maliban sa Asia vs Europe Challenge Match ay ang Japan Open at Super Billiards League sa Winnipeg, Canada.
Nasa ikalawang puwesto naman ay ang Amerikanong si Shane Van Boening sa $48,091 premyo habang si Karl Boyes ng Great Britain ang nasa ikatlo sa $35,625.
Ang kababayan ni Boyes na si Darren Appleton ang nasa ikalimang puwesto sa $34,166.
Tiyak na mag-iiba ang talaan kapag sumambulat pa ang mga mas malalaking kompetisyon sa bilyar sa mga susunod na buwan.
- Latest
- Trending