Hickerson isasalba ang Air21 vs Coke
MANILA, Philippines - Upang masagip ang kanilang bumubulusok na kampanya at makasama sa wildcard phase, ipaparada ng Express ang kanilang orihinal na reinforcement.
Ibabandera ng Air21, dating nahulog sa isang nine-game losing slump, si Leroy Hickerson laban sa Coca-Cola ngayong alas-7:30 ng gabi sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon, magtatagpo naman ang Alaska at Barako Coffee, kasalukuyang nasa isang five-game losing skid.
“He’s our original choice,” sabi ni head coach Yeng Guiao sa 6-foot-6 na two-time Mexican league Slam Dunk champion.na si Hickerson. “We need to make quick changes and I am thankful to Mr. Lito Alvarez that he still supported the decision of getting a new import despite what’s happening to the team.”
Si Hickerson, nagtala ng mga averages na 19.2 points, 4.7 rebounds, 3.7 assists at 2.2 steals per game sa kanyang 41 laro para sa Halcones UV Xalapa sa Mexican League at napiling Player of the Year, Guard of the Year at Import Player of the Year ng Latinbasket.com, ay dumating sa bansa kahapon.
Papalitan ni Hickerson, sumabak sa summer camp ng NBA team Memphis Grizzlies, si Reggie Larry bilang pang apat na import ng Express.
Si Hickerson sana ang unang kumampanya para sa koponan ni Guiao kundi lamang siya nasangkot sa isang vehicular accident sa United States bago magsimula ang PBA Fiesta Conference.
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang nagdedepensang San Miguel at Talk ‘n Text mula sa magkatulad nilang 11-2 baraha kasunod ang Barangay Ginebra (8-5), Derby Ace (8-5), Alaska (7-5), Rain or Shine (6-6), Coke (5-8), Sta. Lucia (4-9), Air21 (2-11) at Barako Coffee (2-11).
Matapos maputol ang kanilang nine-game losing slump mula sa 99-98 overtime win sa Coffee Masters noong Mayo 26, natalo naman ang Express sa Tropang Texters, 100-126, noong Mayo 28.
- Latest
- Trending