Tropang Texters ikinunekta ang 9 na dikit na panalo, sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Sa pagwawakas ng nine-game winning streak ng Beermen, alam ni coach Chot Reyes na pagkakataon na ito ng kanyang mga Tropang Texters upang makatabla sa liderato.
Nakahugot ng 26 puntos kay Kelly Williams, 11 rito ay sa first period, inilampaso ng Talk ‘N Text ang Air21, 126-100, upang dumiretso sa kanilang pang siyam na sunod na arangkada sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Ninoy Aqiuno Stadium sa Malate, Manila.
“We’ve been chasing San Miguel for a long time and we got the opportunity to tie them, so we were able to do that,” sabi ni Reyes, nakakuha rin ng 20 marka kay import Shawn Daniels, 17 kay Ryan Reyes, 11 kay Mac Cardona at 10 kay Ranidel De Ocampo.
Ito na ang pinakamahabang winning run ng Tropang Texters sa ilalim ni Reyes matapos ang walo ni American mentor Bill Bayno noong 2002 Governors Cup.
Nagsalo sa liderato ang Talk ‘N Text at San Miguel mula sa magkatulad nilang 10-2 rekord sa itaas ng Barangay Ginebra (8-4), Derby Ace (7-4), Alaska (6-5), Rain or Shine (5-5), Sta. Lucia (4-7), Coca-Cola (4-8), Barako Coffee (2-10) at Air21 (2-11).
Kaagad na kinuha ng Tropang Texters ang isang 14-point lead, 35-21, sa huling 25.2 segundo ng first period buhat sa isang three-point play ni Reyes kay Ronnie Matias bago ibaon ang Express sa 72-46 sa pagbungad ng third quarter.
“Our guys really came out and outhustled the other team. We knew Air21 is gonna come out strong so I told them the first unit should start well,” sabi ni Reyes.
Itinala ng Talk ‘N Text ang pinakamalaki nilang bentahe sa 31 puntos, 114-83, sa 6:34 ng final canto galing sa reverse layup ni Mark Yee.
Samantala, maghaharap naman ngayong alas-5 ng hapon ang Beermen at ang Realtors sa Ormoc City kung saan hangad ng koponan ni Siot Tanquingcen na makabangon mula sa pagkakapigil ng kanilang nine-game winning streak.
- Latest
- Trending