MANILA, Philippines - Isa pang Filipino boxer ang magtatangka na maging world champion sa taong ito.
Ang 23 anyos na si Richie Mepranum ang magbabakasakali na makuha ang world title sa pagharap kay Mexican Julio Cesar Miranda ng Mexico para sa bakanteng WBO flyweight division.
Ang laban ay gagawin sa Mexico sa Hunyo 12 o sa araw na ipinagdiriwang ng bansa ang Araw ng Kalayaan.
Nabakante ang WBO flyweight division nang magdesisyon ang dating kampeon na si Omar Narvaez na umakyat na sa super flyweight division.
May 22 panalo sa 24 laban at isang talo lamang si Mepranum, tubong Maasim, Sarangani at may walong sunod na panalo matapos lasapin ang unang kabiguan sa pamamagitan ng unanimous decision sa kamay ni Denkaosan Kaovichit ng Thailand para sa PABA flyweight title.
Ang huling tatlong laban nga ni Mepranum ay nangyari sa US at tinalo niya ang mga nakalabang sina Cesar Lopez, Ernie Marquez at Herman Marquez.
Mas beterano naman ang 30-anyos na si Miranda at ito nga ang magiging ikatlong pagtatangka nito para maging world title.
Ang unang dalawang pagtatangka ay nangyari noong 2009 at yumukod ang Mexican boxer sa kamay nina Thai Pongsaklek Wonjongkam at South African Moruti Mthalane sa pamamagitan ng unanimous decision.
Ang laban kontra kay Wonjongkam ay para sa interim WBC title noong April habang ang sagupaan nila ni Mthalane ay sa IBF flyweight na nangyari noong Nobyembre.
Si Mepranum ang ikalawang Filipino boxer na magtatangka na maging world champion sa taong ito.