MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paghihirap ng UST sa Shakey’s V-League Season 7.
Sinelyuhan ng Lady Tigresses ang pagiging pinakamahusay na koponan sa torneong inorganisa ng Sports Vision na suportado ng Shakey’s Pizza at iprinisenta ng PLDT MyDSL, matapos talunin sa deciding Game Three ang San Sebastian, 25-20, 25-27, 25-12, 25-15, sa nag-uumapaw na The Arena sa San Juan kahapon.
Ang pagdodomina ng UST ay nakita sa huling dalawang sets nang kanilang ipamalas ang puso ng isang kampeon para masungkit ang ikatlong sunod na titulo at ikaanim sa pang-siyam na pagkakataon na nakapasok ang koponan sa Finals sa torneong may basbas din ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.
Napantayan ngayon ng UST ang record ng La Salle bilang mga koponan na naka-3-peat pero nagsosolo sa paramihan ng titulong napanalunan sa liga.
“Masayang-masaya ako sa panalong ito dahil talagang pinaghirapan namin ito at marami kaming napasaya na mga supporters na siyang nagtulak sa amin para talagang ibigay ang lahat ng makakaya sa larong ito,” wika ni UST coach Shaq Delos Santos.
Natalo man sa second set ay nakatulong naman ang ginawang diskarte na ipahinga ang mga pambatong manlalaro dahil lumabas ang kanilang lakas sa huling dalawang set upang pamunuan ang paglayo sa kinapos na Lady Stags.
Si Aiza Maizo ay kumawala ng 17 puntos, kasama ang 14 kills bukod sa tatlong blocks upang hirangin din bilang Finals MVP sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Sina Mary Jean Balse, Rhea Dimaculangan at Michelle Carolino ay nagsanib sa 34 puntos habang si Denise “Dindin” Santiago na hindi ginamit sa unang dalawang laro ay nagpamalas din ng magandang laro sa kanyang 9 na puntos, kasama ang 3 blocks, sa huling pagsuot ng uniporme ng UST.
Maliban sa walang humpay na pag-atake sa net, nagpamalas din ng solidong depensa ang Lady Tigresses upang biguin ang inaasahang matibay na net game ng mga kamador ng Lady Stags na sina Thai import Jeng Bualee at Analyn Joy Benito.
Ang matinding blocking nga ng UST ay nakita nang magtala sila ng 13 laban sa 7 lamang ng Baste.
Matapos ilampaso sa third set ay nagsikap ang Lady Stags na makuha ang panalo sa ikaapat na set nang makadikit sa 5-6. Pero ilang errors ang kanilang nagawa habang umatake rin sina Maika Ortiz, Balse at Dimaculangan para tuluyang ilayo sa 21-13 ang UST.