MANILA, Philippines - Kinumpirma ni American trainer Freddie Roach na muling nagbalik sa negotiation table sina Top Rank Promotions’ chairman Bob Arum at Golden Boy Promotions’ Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer upang ayusin ang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather, Jr. megafight.
“The negotiations are going on between Bob Arum and Richard Schaefer,” ani Roach sa panayam ng Doghouseboxing.com. “I like everyone else await the results so I can get Congressman Pacquiao ready for his opponent.”
Nauna nang inihayag ni Arum na gusto niyang maituloy ang naturang laban nina Pacquiao at Mayweather matapos mabasura noong Marso bunga ng pagpipilit ng American fighter na sumailalim sila ng Filipino boxing icon sa Olympic-style random blood testing.
Posibleng sa Nobyembre itakda ang naturang megafight alinman sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada o sa Dallas Cowboys sa Arlington, Texas.
Sakaling matuloy ang naturang salpukan, kumpiyansa si Roach na kayang pabagsakin ni Pacquiao si Mayweather, nagmula sa isang unanimous decision win kay Sugar Shane Mosley.
“Mayweather got hit much more than he is use to because he has lost the quick movement that he used to have,” ani Roach. “I believe that his legs are gone and that made him very hittable. Manny is stronger and faster than Mayweather and if Manny has him in trouble he will knock him out.”
Walang tigil na pagpapaulan ng suntok ang magiging estratehiya nina Roach at Pacquiao laban kay Mayweather.