MANILA, Philippines - Sa huli, pinanindigan ni Lee Vann Corteza ang taguri sa kanyang “The Slayer”.
Inungusan ni Corteza si Hi Wen-Lo ng China, 13-12, sa kanilang finals rematch upang angkinin ang 2010 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Bago sagupain si Lo sa final round, kinailangan munang talunin ng Filipino cue master si American Shane “The South Dakota Kid” Van Boening, 9-8, sa loser’s side para sikwatin ang huling finals berth.
“Kapag nanalo ka sa isang tournament na may malalakas na kalaban, talagang malaking accomplishment na ‘yon para sa akin,” sabi ni Corteza.
Ang naturang panalo sa US Open ang nagbigay kay Corteza ng premyong $20,000.
Bukod rito, umangat rin sa No. 5 ang ranggo ni Corteza sa listahan ng World Pool Billiard Association (WPBA) matapos ang kanyang tagumpay sa nakaraang 1st Annual Hard Times-Mezz Cues 10-Ball Open Championships title sa Bellflower, Los Angeles.
Tinanggap naman ni Lo ang $12,500 bilang runner-up kasunod ang third-placer na si Boening ($8,500) at fourth-placer na si Francisco “Django” Bustamante ($5,700).
“Talagang ipinagdasal ko na manalo ako sa tournament na ito para sa ating bansa,” sambit pa ni Corteza, ibinilang sa kanyang mga biktima sina Tony Robles ng Mexico, 9-6; Chris Bartram ng US, 9-5; Francis Crevier ng US, 9-8; Kuo Po-cheng ng Taiwan, 9-2; Mike Dechaine ng US, 9-8; at Manny Chau ng Peru, 9-8.
Natalo si Corteza kay Lo, 6-9, sa una nilang pagtatagpo sa hot seat match para sa unang finals seat.
Binigo naman ni Lo sina Marc Vidal ng US, 9-2; Tyler Edey ng Canada, 9-7; Oscar Dominguez ng Mexico, 9-6; Corey Harper ng US, 9-0; Charlie Williams ng US, 9-6; at Mika Immonen ng Finland, 9-5.
Ang iba pang Filipino bets na lumahok sa torneo ay sina 2010 Player of the Decade at hall of famer Efren “Bata” Reyes, Jose “Amang” Parica, Ronato Alcano, Roberto “Pinoy Superman” Gomez, Warren “The Warrior” Kiamco, Edwin Montal, Al Lapena at Dennis Orcullo.
Si Orcullo ang nagwagi sa nakaraang 2010 Party Poker World Pool Masters.
Sa kabuuan, apat na korona ang nakopo ng mga Filipino cue masters sa loob ng tatlong linggo sa mga torneo sa US at Canada.