Dagmil minalas sa high jump; Atilano, Delicano naka-gold

MANILA, Philippines - Nalagay sa alanganin ang hangarin ni Henry Dagmil na mapasama sa Asian Games delegation nang ma­ging anino lamang ng kanyang sarili sa idinadaos na 2010 Milo National Open Track and Field Championship sa Rizal Memorial Track Oval sa Malate Manila.

Ang multi-titled na si Dagmil, kumatawan din sa ban­sa sa nakalipas na Beijing Olympics at record holder sa Southeast Asian Games at ng Pilipinas ay minalas na walang naitalang marka sa anim na lundag sa paboritong event sa Day two ng torneo kahapon.

May naitalang 7.99m sa US noong 2008 upang ma­ging national record at gumawa rin ng 7.83m sa Thailand SEAG na siya ring record sa nasabing kompetisyon, hindi nakuha ni Dagmil ang kinatatakutang porma matapos magtala ng anim na fouls.

May mga haka-hakang tapos na ang career ng 29-anyos na pambato ng bansa sa long jump dahil sa nagdaang Laos SEA Games ay tumapos lamang ito sa pangatlong puwesto kasunod nga ni Joebert Delicano na mas kinapitan ng suwerte sa tatlong araw na torneo na binasbasan ng Milo at PSC.

“May problema ako sa timing ko sa marking kaya hindi ako makadiskarte. Kaya ýung pagtakbo ko sa 100m bale part ng training ko para mas ma-improve ko yung timing ko. Sa long jump malaking bentahe ýung sprint,” ani Dagmil, na bumalik kinahapunan upang kunin ang ginto sa men’s 100 meter sa oras na 10.73, at talunin ang foreign rivals na sina Lui Kuen Yao ng Taipei at Fahra Nazri ng Sabah , Malaysia .

Nangapa rin sa porma si Delicano pero pinalad na magkaroon ng good leap sa fifth attempt na nasukat sa 7.40 metro upang makuha ang ginto laban kina Jonash Melchor at Nino Espinosa na may 6.72m at 6.35m.

Puwedeng bumawi si Dagmil dahil ka­sama siya sa Pambansang koponan na ilalaban sa tatlong yugtong 2010 Asian Gran Prix na gagawin sa mga lugar sa India na Chennai sa Hunyo 2, Bangalore sa Hunyo 5 at Pue sa Hunyo 9.

Ang makakasama ni Dagmil sa Gran Prix na si Sheena Atilano ay nakapagpasikat naman ng manalo ng dalawang ginto sa day two ng torneo.

Pinagharian uli ng 30-anyos hurdles specialist ang 100m hurdles sa bilis na 14.30 segundo bago isinunod ang 200m dash sa 26.59 segundo.

Ang panalo nga sa 200m run ay sumira rin sa hangarin ni Rhemilyn Soriano na maka-sprint double matapos maorasan lamang ng 26.76 segundo.

Ang iba pang national team members na sina Eleazar Sunang at Arniel Ferrera ay kumawala rin ng ginto sa paboritong events. Si Sunang ay nanguna sa shot put sa 15.14 meters upang talunin ang dating hari na si Nixon Mas (13.55m) at Ferrera (12.73m).

Bigo man ay nauna ng kuminang si Ferrera sa pa­boritong hammer throw event na kung saan siya ang record holder sa SEA Games.

Pero malayo ang ibinato ni Ferrera sa torneo dahil umabot lamang ito sa 54.96m na malayo sa 61.62 m na ginawa sa Laos pero sapat upang talunin sina Chang Yu-wei ng Chinese Taipei, 48.97m at Karl Francisco, 48.06m.

Show comments