SSC Spikers sa finals na, Lyceum Nadiskaril
MANILA, Philippines - Nagsanib puwersa sina guest players Suzanne Roces at Jeng Bualee sa 44 sa kabuuang 66 kills ng San Sebastian upang maitulak ang koponan sa finals sa Shakey’s V-League Season 7 gamit ang 21-25, 25-22, 23-25, 25-21, 15-12, tagumpay sa kinapos na Ateneo kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nagpakawala ng 21 kills si Roces upang katampukan ang inihatid na 32 puntos habang si Bualee ay nagtala ng 23 puntos, lakip ang 23 kills, para maisantabi ang malakas ding paglalaro ni Lady Eagles Thai import Sontaya Keawbundit tungo sa 2-0 sweep sa kanilang best of three semifinals series.
Mapapahinga naman muna ang Lady Stags bago mapalaban sa best-of-three championship series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at hatid ng PLDT myDSL.
Ito’y dahil naipalabas ng UST ang pride ng pagiging five time champion sa torneong suportado ng Accel, Mikasa at Mighty Bond sa kinuhang 25-18, 25-23, 25-22, tagumpay sa Lyceum sa isa pang laro.
May 13 hits at apat na blocks tungo sa 18 puntos si Aiza Maiza habang sina Angeli Tabaquero at Mary Jean Balse ay nag-ambag pa ng 16 at 10 puntos upang maitabla ng Lady Tigresses ang labanan nila ng Lady Pirates sa 1-1.
Dikit man ang labanan ay lumutang ang malawak na karanasan ng Lady Tigresses sa ganitong pressure game upang biguin ang Lyceum sa hangaring kauna-unahang pag-usad sa finals.
Wala sa bench ang coach ng UST na si Shaq delos Santos pero hindi nakaapekto ito dahil napaghandaan na ng koponan ang kanilang gagawin upang mapadali ang trabaho ni assistant coach Vilet Ponce De Leon.
“Handa kami sa labang ito pero malaki ang ibinigay na liderato ng aming mga guest players sa pangunguna ni Balse dahil nadala nila ang team,” wika pa ni Ponce De Leon.
Si Keawbundit na gumawa ng 15 puntos sa game one ay nagpasabog ng 30 puntos, kasama ang 27 kills. Pero hindi siya nakakuha ng suporta sa mahalagang fourth at fifth set upang matalo uli ang Ateneo sa larong tumagal ng isang oras at 54 minuto.
Lumamang pa sa 10-9 ang Ateneo sa deciding fifth set ngunit hindi napigilan ng depensa si Roces na nakipagtambal pa kay Analyn Benito sa pinakawalang 6-2 palitan upang mangibabaw ang Stags sa 3-2 iskor.
“Masama ang laro namin pero nanalo pa rin dala na rin ng breaks at magandang laro ni Suzanne,” wika ni Lady Stags coach Roger Gorayeb.
“I’m happy that we are in the finals and now the real battle begins,”dagdag pa nito.
- Latest
- Trending