LOS ANGELES - Tumipa si Kobe Bryant ng 40 points, habang nag-ambag naman si Lamar Odom ng 19 points at 19 rebounds upang igiya ang nagdedepensang Los Angeles Lakers sa 128-107 tagumpay kontra Phoenix Suns sa Game 1 ng kanilang Western Conference finals.
Kinuha ng Lakers ang 1-0 abante sa kanilang best-of-seven series ng Suns.
“Just being aggressive, playing my game,” wika ni Bryant. “Got shots, took them. Got lanes to the basket, took them.”
Humakot naman si Pau Gasol ng 21 points para sa top-seeded na Lakers, inangkin ang kanilang pang pitong sunod na panalo sa playoffs at pinigil ang six-game streak ng third-seeded na Suns.
Humugot si Bryant, halos hindi nakipag-ensayo dahil sa kanyang knee, ankle, finger at back injury, ng 21 puntos sa kabuuan ng third quarter.
“I practice so much during the season,” dagdag pa ni Bryant. “In the offseason, I work a lot. To take a week off, I’m not going to lose all the work I put in prior to that.”
Nakatakda ang Game 2 sa Miyerkules sa Staples Center pa rin kung saan umaasa ang Lakers na na uusad sila sa ikatlong dikit na NBA Finals kung saan makakasagupa nila ang mananalo sa Eastern Conference championship series sa pagitan ng Orlando Magic at ng Boston Celtics.
Kumabig si Amare Stoudemire ng 23 points para pamunuan ang Suns, hindi pa natatalo sapul noong Abril 24, kasunod ang 13 points at 13 assists ni Steve Nash at 14 marka ni Robin Lopez.
Tinapos ng Lakers ang first quarter sa bisa ng 18-4 run upang trangkuhan ang 33-26 pangunguna kung saan sumablay ang 9 mula sa 11 tira ng Suns sa nasabing period.