Realtors pinakain ng alikabok ng Gin Kings
MANILA, Philippines - Ngayon na nararamdaman ng mga Realtors ang pagkawala sa kanila nina Kelly Williams at Ryan Reyes.
Sinamantala ang pagbabago ng Sta. Lucia, madaling ipinoste ng Barangay Ginebra ang isang 102-85 panalo sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
“We did something positive today but it’s hard to make a judgment kasi siyempre nawalan ng players ang Sta. Lucia especially two of their their core,” wika ni Gin Kings’ head coach Jong Uichico.
May 6-4 baraha ngayon ang Ginebra sa ilalim ng nagdedepensang San Miguel (8-1), Talk ‘N Text (7-2) at Derby Ace (6-3) kasunod ang Alaska (5-4), Rain or Shine (4-5), Sta. Lucia (4-6), Coca-Cola (4-6), Barako Coffee (2-7) at Air21 (1-9).
Kaagad na kinuha ng Gin Kings ang isang 14-point lead, 27-13, sa first period patungo sa 51-37 pagbaon sa Realtors sa halftime.
Humugot naman si import Mildon Ambres ng 14 sa kabuuang 19 produksyon ng Ginebra sa third quarter para kunin ang isang 20-point advantage, 70-50, kontra Sta. Lucia sa 4:05 nito.
Nakalapit ang Realtors sa 70-81 agwat mula sa 3-point shot ni Yousif Aljamal kasunod ang isang 14-0 run ng Gin Kings para sa kanilang 93-70 bentahe sa huling 4:47 sa final canto.
Tumipa si Ambres ng 21 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Ginebra.
Naglista ang mga baguhang sina Aljamal, Ali Peek, Nic Belasco, Pong Escobal at Ogie Menor ng 12, 5, 4, 2 at 0 marka, ayon sa pagkakasunod, para sa Sta. Lucia.
Ginebra 102 - Ambres 21, Tubid 17, Helterbrand 17, Caguioa 12, Menk 12, Hatfield 7, Villanueva 6, Wilson 5, Miller 2, De Ocampo 2, Cruz 1
Sta. Lucia 85 - Johnson 31, Espinas 13, Aljamal 12, Mendoza 11, Omolon 5, Peek 5, Belasco 4, Escobal 2, Aquino 2, Urbiztondo 0, Menor 0, Belano 0
Quarterscores: 27-13, 51-37, 77-63, 102-85.
- Latest
- Trending