MANILA, Philippines - Hindi magiging sagabal sa bagong upong Kongresista ng Sarangani na si Manny Pacquiao ang bagong trabaho kung ang paglalaro ng basketball ang pag-uusapan.
Inihayag kahapon ni MP Warriors coach Fean Del Rosario ang kahandaan na muling isuot ni Pacquiao ang uniporme ng koponan sa gaganaping Tournament of the Philippines (TOP) na bubuksan na sa Hunyo 2.
Ang TOP ay unang proyekto ng pinagsanib na Liga Pilipinas at Philippine Basketball League (PBL) at aabot sa siyam na koponan ang nakatakdang lumahok sa kompetisyon.
Ang MP Warriors nga ay isa sa limang koponan sa Visayas at Mindanao at inaasahang makukuha nila ang suporta ng manonood kung tototohanin ni Pacquiao ang desisyong maglaro uli.
Tiyak ding hahakot ng interes ang koponan dahil nakuha rin nila ng serbisyo ng 6’5 Fil-Am na si Clifford Hodge sa isinagawang drafting kahapon sa tanggapan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa Ultra sa Pasig City.
Maliban sa Gensan ay lumahok din sa drafting ang Laguna, Mandaue, Misamis Oriental at Cebu Ninos ng Liga at Ani, Pharex at Cobra ng PBL.
Apat pang Fil-foreigners ang nakuha sa first round at ang mga ito ay sina Kelly Berry ng Ani Agrinurture, Stanley Pringle Jr. ng Pharex, Lance Beverette ng MisOr at Shawn Weinsten ng Cebu.