Pascua, Bernales babandera sa Pinas sa ASEAN chessfest

MANILA, Philippines - Kakatawanin ng mga ba­tang manlalaro na sina 17-anyos Haridas Pascua at 16-anyos Christy Lamiel Bernales ang Pilipinas sa gaganaping Asian Junior Chess Championships sa Chennai, India mula Hunyo 15 hanggang 22.

Binanggit ni National Chess Federation Philippines (NCFP) executive di­rector Willie Abalos ang mga pangalang ito matapos ihayag ang mga plano pa ng asosasyon sa mga susunod na buwan nang ma­ging bisita kahapon sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura.

Naniniwala si Abalos na parehong makakapagbigay ng magandang laban sina Pascua at Bernales na dumalo rin sa pagpupu­long, dahil puspusan ang gi­nagawa nilang paghahanda.

Ang Asian Junior ay isa lamang sa maraming tor­neong nakahanay para sa NCFP na katatampukan din ng dalawa pang ma­laking torneo na dadalu­han ng mga banyagang manlalaro.

Isasagawa mula Hunyo 4 hanggang 13 ang ASEAN Plus sa Subic habang ang Asian Battle of Grandmasters ay isusulong naman sa Punta de Uiyan Resort sa San Antonio, Zambales mula Hunyo 20 hanggang 30.

Tinawag na ASEAN Plus ang torneo dahil hindi la­mang ito magiging bukas sa mga ASEAN countries kundi maging sa iba pang ban­sa na gustong lumahok.

Ang Asian Battle of Grand­masters naman ay katatampukan ng 12 grandmasters, anim mula sa host Pilipinas, na maglalaban-la­ban para sa P1 milyong gan­timpala.

 Bago ito ay magkakasukatan muna ang mga Filipino GMs sa Battle of the Grandmasters mula Mayo 25 hanggang Hunyo 2 sa Tagaytay City.

Show comments