MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na “The Event” nina Many Pacquiao at Joshua Clottey noong Marso, muling binuksan ni Dallas Cowboys owner Jerry Jones ang kanyang Cowboys Stadium sa Arlington, Texas para sa posibleng laban ni “Pacman” kay Floyd Mayweather, Jr. sa Nobyembre.
Ayon kay Jones, maaaring basagin ng megafight nina Pacquiao at Mayweather ang anumang rekord ngayon sa gate attendance
“There’s no doubt in my mind that we’d break every record of attendance that anybody’s ever seen for boxing,” wika ni Jones. Kumpiyansa si Jones na aabot sa 100,000 hanggang 120,000 gate attendance ang laban ng 31-anyos na si Pacquiao at ng 33-anyos na si Mayweather.
“If given the opportunity, the magic that would be involved and having over 100,000 _ and there’s no question in my mind, I think we would maybe approach 120,000 for that fight,” dagdag ni Jones.
Ang heavyweight title bout nina Muhammad Ali at Leon Spinks noong 1978 ay nakakolekta ng kabuuang 63,350 gate attendance sa Superdome sa New Orleans. Ang hindi pa rin natitinag na overall record para sa pinakamalaking boxing crowd ay 132,274 sa laban ni Julio Cesar Chavez sa Azteca Stadium noong Pebrero ng 1993.