MANILA, Philippines - Apat na manlalaro sa athletics na nanalo ng ginto sa Laos Southeast Asian Games ang mangunguna sa Pambansang koponan na ilalaban sa Chinese Taipei International Athletics Meet.
Ang kompetisyon ay gagawin mula Mayo 28 at 29 at sina Arniel Ferrera, Rene Herrera, Danilo Fresnido at Josie Villarito ang mga magtatangkang bigyan ng kinang ang kampanya ng koponang ipinadala ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).
Si Ferrera ang kasalukuyang SEAG record holder sa hammer throw, si Herrera ang gold medalist sa 3000m steeplechase habang sina Fresnido at Villarito ay nanalo sa javelin throw.
Sina 10,000 at 5000m runner Julius Sermona at women’s high jumper Narcisa Atienza ang kukumpleto sa anim na manlalarong koponan na hahawakan ni coach Roslyn Hamero.
Sa kasalukuyan ay tanging si SEAG record holder sa women’s long jump Marestella Torres ang nakatiyak pa lamang ng puwesto sa Asian Games.
Si Torres nga ay naghahanda na ring lumipad patungong Germany para sa intensibong pagsasanay at tanging ang German visa na lamang ang kanyang hinihintay para matuloy ang pagsasanay.
Ang athletics ay naghatid ng pitong ginto sa nagdaang Laos SEAG upang lumabas din bilang pinakaproduktibong (NSAs) sa nabanggit na kompetisyon na nilaro noong Disyembre.