MANILA, Philippines - Bago pa lamang si Willie Miller sa sistema ng Barangay Ginebra katulad ni import Mildon Ambres. Dagdag pa rito ang pagbabalik nina Jayjay Helterbrand at Eric Menk at ang one-game suspension kay Mark Caguioa.
Inamin ni head coach Jong Uichico na talagang hirap ang Gin Kings sa classification ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
“The team per se is struggling at this point,” ani Uichico. “So every win while we are trying to find the right way is very important.”
Hangad ang kanilang ikalawang sunod na panalo, sasagupain ng Ginebra ang galing rin sa panalong Derby Ace ngayong alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-4 ng hapon, magtatapat naman ang kapwa talunang Air21 at Rain or Shine.
Kasalukuyang tangan ng nagdedepensang San Miguel Beermen ang liderato mula sa kanilang 8-1 kartada kasunod ang Talk ‘N Text Tropang Texters (6-2), Alaska Aces (4-3), Gin Kings (4-3), Llamados (4-3), Coca-Cola Tigers (4-5), Elasto Painters (3-4), Sta Lucia Realtors (3-5), Barako Coffee Masters (2-6) at Express (1-7).
Nanggaling ang Ginebra sa dramatikong 101-100 paglusot sa Air21, habang umiskor naman ang Derby Ace ng isang 75-67 tagumpay kontra Rain or Shine noong Miyerkules.
Iuupo ni Caguioa ang kanilang laro laban sa Llamados ni Ryan Gregorio matapos ibato kay referee Throngy Aldaba ang bola na nagresulta sa kanyang pagkakatalsik sa 5:07 ng second period bunga ng Flagrant Foul Penalty 2.
Bukod sa one-game suspension, pinagmulta rin ng PBA Commissioner’s Office ang 2001 Rookie of the Year ng P20,000.
Sa 75 na produksyon ng Derby Ace kontra Rain or Shine, sinabi ni Gregorio na hindi siya kuntento sa inilaro ng kanyang Llamados.
Makakatapat ni Ambres, pumalit kay Awvee Storey, si Cliff Brown, humakot ng 19 rebounds at 18 puntos sa tagumpay ng Llamados sa Elasto Painters.