MANILA, Philippines - Makuha ang magandang puwesto papasok sa cross over semifinals ang nasa isip ngayon ng Lyceum sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 7 quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan.
Kaharap ng Lady Pirates ang talsik ng University of St. La Salle sa unang laro ganap na ika-2 ng hapon.
May 2-0 karta na ang Lyceum upang makatiyak ng puwesto sa semifinals ngunit ang makukuhang 3-0 karta ay magreresulta upang maselyuhan nito ang number one puwesto sa Group I at maikasa ang pagkikita laban sa number 2 team sa Group II sa semifinals.
“Mas maganda kung mag-number one kami dahil magkakaroon din ng mas mataas na kumpiyansa ang mga players ko. Kaya gagawin namin ang lahat para manalo,” wika ni Lyceum coach Emil Lontoc na huling nakaabante sa semifinals dalawang taon na ang nakalipas.
Ang pangalawang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT MyDSL at suportado ng Shakey’s Pizza ay sa pagitan ng Southwestern University at College of St. Benilde.
Wala ng halaga ang resulta sa labanang ito ng dalawang walang panalo pang koponan dahil selyado na ng Ateneo at Adamson ang puwesto sa semifinal sa group II.
Matapos ang larong ito ay magpapahinga ang liga na suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond upang magbigay daan sa gagawing pambansang halalan sa Mayo 10.
Babalik ang aksyon sa Mayo 13 sa pagkikita ng UST at Ateneo para madetermina kung sino sa dalawa ang hihiranging number one sa Group II at ang pagkikita ng San Sebastian at Adamson para madetermina ang ikalawang semifinalist sa Group I.