Cavaliers, Celtics tabla sa 1-1; Sun inangkin ang Game 1 vs Spurs
CLEVELAND--Dapat tiyakin ni LeBron James na hindi nawawala ang kanyang bagong MVP trophy dahil inagaw ng Boston Celtics ang lahat.
Dinuplika ni Rajon Rondo ang team playoff record na 19 assists, umiskor si Ray Allen ng 22 points at nagtala ang Celtics ng isang 25-point lead sa fourth quarter para talunin ang Cleveland Cavaliers, 104-86 sa Game 2 at itabla sa 1-1 ang kanilang semifinal series.
“We did everything we set out to do,” sabi ni Allen. “We’ve talked all year about closing out games. When we do that, we’re pretty good.”
Matapos matunaw ang itinayong 11-point lead sa third quarter ng Game 1, halos muntik makawala sa Celtics ang mas malaking lamang sa Game 2.
Kinuha ng Boston ang 91-66 abante sa 9:08 ng laro kasunod ang arangkada ni James at ng Cleveland para sa kanilang 83-93 agwat sa huling 3:13.
Mula sa isang 11-3 atake, tuluyan nang tinapos ng Celtics ang kanilang laban ng Cavaliers patungo sa Game 3 sa Biyernes sa Boston.
“They believe,” sabi ni Antawn Jamison ng Cleveland sa Boston.
Umiskor si James, halatang iniinda ang kanyang right elbow injury, ng 24 kasunod ang 16 ni Jamison para sa Cavaliers.
Sa Phoenix, nakipagbuno ng todo ang host team sa third period at bumangon sa fourth quarter upang igupo ang San Antonio Spurs sa kanilang series opener, 111-102.
Matapos na ipahinga ang kanyang sore hip sa loob ng tatlong araw, kumana si Steve Nash ng 33 puntos at 10 assists para sa Suns. Umiskor naman si Jason Richardson ng 27 puntos at nagposte si Amare Stoudemire ng 23 puntos at 13 rebounds.
Pinangunahan naman ni Manu Ginobili ang Spurs sa kanyang pinitas na 27 puntos at 26 puntos naman ang kay Tony Parker.
- Latest
- Trending


















