Gin Kings itatagay No. 3 spot sa q’finals
MANILA, Philippines — Itatagay ng Barangay Ginebra ang No. 3 spot sa crossover quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup sa pagharap sa naghihingalong Blackwater sa Ynares Center sa Antipolo City.
Makikipagkita ang Gin Kings sa Bossing ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at Phoenix Fuel Masters sa alas-5:15 ng hapon.
Napasakamay ng Magnolia ang No. 1 seat sa Group B tangan ang 7-3 baraha kasunod ang Rain or Shine (5-4), Phoenix (5-4), Ginebra (4-5), Meralco (4-6) at Blackwater (3-6).
“We need to be consistent. We’ve been really high then go down to very low. Hopefully, we can smooth ourselves out and find a way to be consistent,” ani Gin Kings coach Tim Cone matapos ang kanilang 106-89 paglasing sa Fuel Masters.
Para makasilip ng konting butas sa No. 4 berth sa quarterfinals ay kailangang manalo ang Bossing ng 44 points.
Sa unang laro, maglalaban din sa No. 2 seat ang Elasto Painters at Fuel Masters.
“Meron kang ina-anticipate na parating na bakbakan, so ibabalanse mo na maipanalo mo ‘yung laro pero, at the same time, ma-preserve mo ‘yung manpower mo, na healthy sila,” ang estratehiya ni Rain or Shine mentor Yeng Guiao laban sa Phoenix.
Kasado na ang best-of-five quarterfinals series ng Group B top team Magnolia at Group A fourth seed TNT Tropang 5G (7-5).
Madedetermina rin ang mga lalabanan sa quarterfinals ng Group A No. 1 NLEX (9-3), No. 2 San Miguel (9-3) at No. 3 Converge (8-4).
- Latest


















