Pacquiao papayag sa blood testing kung...
MANILA, Philippines - Papayag lamang si Manny Pacquiao na sumailalim sa blood testing kung ito ay ipag-uutos ng boxing commission na mangangasiwa sa kanyang laban.
Ito ang tugon ni Pacquiao sa hangaring tapusin na ang usapin sa patuloy na pagpapahayag ni Floyd Mayweather Jr. ng kagustuhan nitong walang tigil na random blood testing para makaharap si Manny Pacquiao.
Sa panayam ni Michael Marley ng Examiner.com, sinabi ni Pacquiao na gusto niyang makasukatan si Mayweather pero hindi nangangahulugan ito na susunod siya sa lahat ng naisin nito sa laban.
“I will comply fully with whatever drug test, blood or urine, rules are specified by the commission of the place where this fight is arranged,” wika ni Pacquiao.
Nagkaroon ng mga pahayag sa boxing websites na pumayag na si Pacquiao na magpakuha ng dugo bilang bahagi ng drug testing sa laban nila ni Mayweather.
Sinasabing lumambot ang kasalukuyang pound for pound champion sa naunang matigas na posisyon nito nang ma-quote itong payag nang magpakuha hanggang dalawang linggo (14-araw) bago ang takdang laban.
“My message to Mayweather, to the world, is simple. I’m not the lawmaker when it comes to the rules and regulations of any boxing commission. That is not my job or my duty. Neither is it Mayweather’s unless he forms his own personal commission,” banat pa ni Pacquiao.
Kung magkakatotoo ang mega fight nila ng walang talong si Mayweather ay nakikita naman ni Pacquiao na mananalo siya base sa ipinakitang laban ng dating pound for pound laban kay Sugar Shane Mosley.
Nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision si Mayweather pero pinupuntusan ni Pacquiao ang muntik nang pagkatumba ni Mayweather nang tamaan ng malakas na kanan ni Mosley sa round two.
Ani Pacquiao, ang kauna-unahang seven-division world champion ng mundo, kinulang sa follow-up si Mosley kaya’t nakarekober si Mayweather.
Hindi ito ang mangyayari kung siya ang katapat nito dahil hindi umano niya titigilan ito hanggang hindi natumba.
“If I can hit Mayweather like that, I will finish him off,” wika pa ni Pacman.
Sa ngayon ay buhos ang kanyang isipan sa pagtakbo sa pagka-Kongresista sa Sarangani lalo nga’t sa Lunes na isasagawa ang Pambansang halalan.
Matapos ang eleksyon at ilang linggong pamamahinga ay saka pa lamang magpaplano ang Team Pacquiao sa landas na tatahakin kung ang boxing career ang pag-uusapan.
- Latest
- Trending





















