MANILA, Philippines - Samahan ang nagdedepensang UST sa semifinals sa Group II ang misyon ngayon ng Ateneo sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 7 quarterfinals sa The Arena sa San Juan.
May 1-0 karta, haharapin ng Lady Eagles ang Southwestern University sa unang laro ganap na ika-2 ng hapon at ang maililistang panalo ay mangangahulungan ng kanilang pagpasok sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision na handog ng PLDT My DSL sa suporta ng Shakey’s Pizza.
Ang South Western University naman ay may 0-1 karta bunga ng kabiguan sa eliminasyon sa UST pero may tsansa pa silang makahirit ng Playoff sa Final Four kapag tinalo nila ang Lady Eagles na may 1-0 karta sa bisa ng tagumpay sa St. Benilde.
Parehong may ipinagmamalaking Thai imports ang magkabilang koponan at ang Lady Cobras ay ibinabandera ni Piyatada Lasungnern laban kay Sontaya Keawbundit ng Lady Eagles.
Dahil parehong mahusay kung kaya’t ang inaasahang panalo ay mapapadali sa ipakikita ng mga local players tulad nina Charo Soriano, Fille Cainglet, Bea Pascual, Denise Acevedo at Jem Ferrer laban sa pambato ng CESAFI champions na sina Rapril Aguilar, Erika Verano, Danika Gendrauli at Lori Layno.
Ang pangalawang laro dakong alas-4 ng hapon ay katatampukan ng tagisan ng Adamson at University of St. La Salle.
Parehong may 0-1 karta ang dalawang koponang nabanggit kaya’t ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataong manatiling buhay ang hangaring makaabante sa susunod na yugto sa torneong suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.
Ang mananalong koponan ay tatabla sa pangalawang puwesto na kasalukuyang tangan ng San Sebastian sa 1-1 matapos matalo ito sa Lyceum kamakalawa.