Lady Falcons top seed sa Group B
MANILA, Philippines - Kinuha ng Adamson ang pangunguna sa Group B sa idinadaos na Shakey’s V-League Season 7 nang manalo sila sa mahigpitang five sets laban sa Ateneo sa pagtatapos ng quarterfinals nitong Huwebes sa The Arena sa San Juan.
Sina Nerissa Bautista at Angela Benting ang siyang kumamada nang husto kasama ang mahalagang puntos sa ikalima at huling set tungo sa 18-25, 25-17, 25-21, 21-25, 15-12, tagumpay.
Nagkatabla ang magkabilang panig sa 3-1 karta pero nakuha ng Lady Falcons ang unang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT My DSL sa suporta ng Shakey’s Pizza gamit ang winner over the other rule.
Nagsanib sa 48 puntos sina Bautista at Benting habang nag-ambag pa ng 13 at 11 sina Paulina Soriano at Charmaine Moralde na pinagtibay pa ang hangaring mahigitan o malampasan ang paglapag sa pangalawang puwesto sa UST sa nagdaang conference.
Nasayang naman ang 27 hits, kasama ang 25 kills ni Sontaya Keawbundit para sa Eagles na pumangalawa sa kanilang grupo.
Ang quarterfinals ng torneong suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond ay sisimulan bukas na katatampukan ng pagtutuos ng San Sebastian at Lyceum at UST kontra St. Benilde.
- Latest
- Trending