MANILA, Philippines - Hindi sila malalaking tao, ngunit sapat na ang kanilang nagagawa para sa isang koponan para ituring na ‘blockbuster’ ang pagpapalitan ng tropa nina Willie Miller at Cyrus Baguio.
Matapos ang bulung-bulungan bago pa man ang 2010 PBA All-Star Weekend, tuluyan nang napormalisa ang pagdadala ng Alaska kay Miller sa Barangay Ginebra kapalit ni Baguio.
Nang matalo ang Aces sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa 2008-2009 PBA Philippine Cup Finals ay nagkaroon na ng ulat na ipamimigay ng Uytengzu franchise ang two-time PBA Most Valuable Player awardee na si Miller.
Nawalis rin ang Alaska ng Purefoods, ngayon ay Derby Ace, sa nakaraang PBA Philippine Cup championship series.
“Aside from being a great player, Willie is one of the real good guys in the league and we are going to miss him, me especially,” ani Aces’ head coach Tim Cone. “But he made it for us for the last couple of years that he wanted to be traded.”
Ang dating Letran Knight na si MIller ay naglaro sa Alaska sa loob ng limang taon kung saan siya nagtala ng mga averages na 12.5 points noong 2005-06, 19.1 noong 2006-07, 20.7 noong 2007-08 at 16.5 noong 2008-09.
Nakuha ni Miller ang kanyang ikalawang MVP trophy sa kampo ng Aces noong 2006 at nakapasok sa Mythical Selection simula noong 2006 hanggang 2009.
Ang Ginebra ang magiging pang apat na koponan ni Miller mula nang makuha ng Red Bull noong 2001 PBA Rookie Draft mula sa Nueva Ecija Patriots ng Metropolitan Basketball Association.
Maliban sa Alaska at Red Bull, naglaro rin ang tubong Olongapo na si Miller sa Talk N’ Text.
Sina Miller at Baguio, dating magkakampi sa Red Bull, ay kapwa tatanggap ng monthly pay na P350,000 hanggang sa pagtatapos ng kanilang kontrata sa Hulyo.