Brown posibleng maging kapalit na ni Wade kung...

MANILA, Philippines -  Kung magiging maganda ang ilalaro ni Clifford Brown, maaaring tuluyan nang mapauwi si Lorenzo Wade ng Derby Ace sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference.

Dahilan sa pananakit ng kanang tuhod ni Wade, napilitan ang Llamados na hugutin ang 6-foot-7 na si Brown na isang European League veteran at naglaro sa Japanese Basketball League (JBL).

“Ang plano namin basically is we want to take a look at Clifford Brown dahil medyo may iniindang injury si Lorenzo Wade and we took the opportunity of the All-Star break na magparating ng bago para makita namin kung tutugma naman si Clifford Brown sa amin,” ani Rene Pardo, kinatawan ng Derby Ace sa PBA Board of Governors, kahapon sa panayam ni Snow Badua sa DZSR Sports Radio.

Huling naglaro si Brown sa Toyota Alvark sa JBL kung saan siya nagposte ng mga averages na 15.5 points at 6.5 rebounds.

Naglista rin si Brown ng 11.4 points at 5.8 rebounds per game averages para sa pagiging runner-up ng BG 47 Göttingen sa Bundesliga Basketball League sa Germany.

“He might stay for good but if not Lorenzo will be reverted back to the active list,” wika ni Pardo kina Brown at Wade, nagtala ng averages na 25.2 points, 12.8 rebounds, 1.8 steals at 1.6 blocks para sa 3-2 rekord ng Llamados.

Bukod sa Derby Ace, nagbabalak na ring kumuha ng kani-kanilang mga bagong imports ang Barangay Ginebra at Barako Coffee.

Ipapalit ng Gin Kings sa NBA veteran na si Awvee Storey, naging kakampi ni Gilbert Arenas sa Washington Wizards, ang 6’5 na si Milton Ambres na dating pambato ng Idaho Stampede sa National Basketball Development League (NBDL), habang naghahanap pa ang Coffee Masters ng sasalo sa maiiwang trabaho ni Sammy Monroe.

 “We’re having a difficult time finding an import who plays all-around,” ani coach Jong Uichico. “We still have to know if our new import will be ready to play on Friday.”

Naglista si Ambres ng mga averages na 14.5 points at 8.1 rebounds para sa Stampede sa 2009-2010 NBDL season.

Show comments