MANILA, Philippines - Si Chief Justice Reynato Puno ang magiging panauhing pandangal para sa pagluluklok sa 10 Filipino sporting greats sa Philippine Sports Hall of Fame sa Mayo 5 sa Maynilad Hall ng Manila Hotel.
Si Puno, nakatakdang magretiro sa Mayo 17, ang pinili ng Hall of Fame organizing committee na pinamumunuan nina Arturo Macapagal ng Philippine Olympians Association at Philippine Sports Commission chairman Harry Angping.
“He is a good speaker and apolitical,” sabi ni Angping kay Puno, ang pang 23 na umupo bilang Chief Justice.
Ang unang grupo ng inductees sa Hall of Fame ay sina boxing greats Gabriel “Flash” Elorde, Francisco “Pancho Villa” Guilledo, Ceferino Garcia at Jose “Cely Villanueva at kanyang anak na si Anthony Villanueva.
Isinama rin ng screening committee na binubuo ng mga veteran sportswriters sina Olympians Miguel White, Simeon Toribio, Teofilo Yldefonso at Carlos Loyzaga at ang Philippine Team na nag-uwi ng bronze medal sa 1954 World Basketball Championships sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ilan sa mga awardees na kagaya nina Loyzaga at Villanueva at miyembro ng basketball team ay inaasahang dadalo sa induction ceremony.
Hinawakan nina Elorde (junior lightweight), Guilledo (flyweight) at Garcia (middleweight) ang mga world boxing titles sa kasagsagan ng kanilang professional boxing careers.
Si Jose “Cely” Villanueva ang umangkin sa kauna-unahang Olympic medal ng bansa sa boxing na bronze medal sa 1932 Los Angeles Games.
Ang kanyang anak na si Anthony ang sumuntok sa kauna-unahang Olympic silver medal ng bansa sa featherweight division noong 1964 Tokyo Games.
Ito ay dinuplika ni Mansueto “Onyok” Velasco, Jr. noong 1996 sa Atlanta, USA.