CHICAGO--Ngayon, maaari nang kalimutan ni LeBron James at ng Cleveland Cavaliers ang pagwalis sa Chicago Bulls sa kanilang playoffs series.
Umiskor si Derrick Rose ng 31 points, habang may 27 naman si Kirk Hinrich upang gibain ng Chicago ang top-seeded Cavaliers, 108-106, at ilista ang 1-2 sa Game 3 ng kanilang first-round series.
“We stayed strong,” ani Chicago center Joakim Noah, humakot ng 15 rebounds. “D-Rose played huge for us. It just feels really good to come out with a win right now.”
Humugot naman si James ng 13 sa kanyang 39 points sa fourth quarter ngunit nakagawa naman ng ilang turnovers sa huling yugto para sa Cleveland.
Nailapit ng Cavaliers ang laro sa 106-107 matapos ang 3-point shot ni Mo Williams sa huling 3.8 segundo. Kaagad nilang dinala sa freethrow line si Bulls’ forward Luol Deng para sa split nito.
Nakuha ni Anthony Parker ang rebound at agad na pumorma sa 3-point range ngunit nagmintis sa pagtunog ng final buzzer.
Sa Oklahoma City, naitama ni Kevin Durant ang kanyang shooting form sa tamang oras at banderahan ang Thunder sa 101-96 paggapi sa Los Angeles at ibaba ang bentahe ng Lakers sa 2-1 sa kanilang playoff series.
Sa unang laro `sa playoff game sa Oklahoma City, nagposte si Durant ng 29 puntos at 19 rebounds.
Nakabalik ang top-seeded Lakers sa 98-96, may 13.5 segundo na lang sa laro, ngunit sinelyuhan ng Thunder ang kanilang panalo sa foul line para agawin ang Game 3.
Nakatakda ang Game 4 sa Sabado sa balwarte pa rin ng Oklahoma.
Sa Portland, Oregon, kumana si Jason Richardson ng playoff career-high 42 puntos upang imando ang Phoenix na dinomina ang home team mula sa simula ng laro at kunin ang 2-1 pangunguna sa bisa ng 91-80 tagumpay laban sa Blazers.
Umabante ang Suns ng maraming beses sa 31 puntos, bago nagbaba ng rally ang Portland sa final canto at inilapit ang iskor sa 91-80 makaraang tumirada si Rudy Fernandez ng tatlong dikit na triples.
Ngunit huli na ang nasabing atake para sa Blazers, na lumasap ng kabiguan nang ang kanilang starting forward na si Nicolas Batum ay nagtamo ng injury sa balikat.