Haye umaasa na matutuloy pa rin ang Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Bagamat naitakda na ang paghahamon ni Floyd Mayweather, Jr. kay Sugar Shane Mosley sa Mayo 1, umaasa pa rin si world heavyweight champion David Haye na mangyayari ang inaabangan niyang laban nina Mayweather at Manny Pacquiao.
Sinabi ni Haye sa panayam ng The Telegraph na dapat lamang na matuloy ang Pacquiao-Mayweather megafight ngayong taon.
“It is definitely a fight which needs to happen, for the state of boxing. It is one that has to be made. I was itching to see that fight, and was ready to go over for it at one point,” ani Haye.
Natunaw na parang bula ang banggaan nina Pacquiao at Mayweather nang ipilit ng American fighter ang pagsasailalim nila ng Filipino world seven-division champion sa isang Olympic-style drug testing.
Dahilan nito, kinuha ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Joshua Clottey ng Ghana para hamunin si Pacquiao noong Marso na nagresulta sa isang unanimous decision win ni “Pacman”.
Kasalukuyang abala ang 31-anyos na si Pacquiao sa pangangampanya sa Sarangani para sa inaasam niyang Congressional seat.
Para maitakda ang Pacquiao-Mayweather showdown, kailangan munang talunin ni Mayweather si Mosley sa Mayo 1 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
- Latest
- Trending