MANILA, Philippines - Anim na GRO’s ang sumailalim sa isang team-building workshop bilang paghahanda para sa pagsisimula ng pinakamainit na game show sa Philippine television--ang GROlympics.
Tigatlong miyembro ng dalawang koponang magsasalpukan sa unang episode ng show ang nahasa sa iba’t ibang task na ang layunin ay ma-develop ang kanilang character, leadership at self confidence. Ang team-building program ay dinesenyo ni facilitator Lito Cinco at ginawa sa studio ng CATNetwork.
Bilang bahagi ng training ay halos kahalintulad na rin ng actual taping ang ginawa upang masanay ang mga GROs sa pagharap sa cameras at pagsunod sa instructions ng production personnel.
Naniniwala si Cinco na handa na ang mga GROs para sa kompetisyon. “Maganda ang naging resulta ng workshop para sa mga babae. Marami silang nadiskubre na mga kakayahan sa pamamagitan ng mga activities na binigay namin dun sa workshop. I can honestly say na handa na silang humarap sa mga pagsubok hindi lang sa GROlympics kundi pati na rin sa pang araw-araw na buhay nila.”aniya.
Ang GROlympics ay mapapanood sa CAT Network affiliate cable stations sa buong Luzon.